Walong buwang buntis ang 26-anyos na si Marilou Absin, at ilang buwan na lang bago niya isilang ang una niyang anak nang dumating ang isang pagsubok sa buhay nilang mag-ina.
Sa isang bayan sa Northern Mindanao, naganap ang isang misteryong hanggang ngayon ay hindi pa rin masagot o maipaliwanag ng sinuman.
"Hindi kasi ako makakatulog kapag may ilaw kaya papatayin ko na yung ilaw. Narinig na po namin yung kaluskos sa bubong namin at saka yung hangin na malakas na sobrang lakas," kuwento ni Marilou.
Dagdag niya, sobrang malakas ang kaluskos ng dahon noong isang gabing iyon.
"Parang may narinig kaming boses. Yung boses niya, tuloy-tuloy siya na umiikot sa bahay namin. Para kaming nililito sa loob ng kwarto. Nakita namin yung tagos talaga ng bubong namin, dun ko nakikita na parang may sumilip," aniya.
Sabi ni Marilou, nanalangin siya kay Allah noon, kahit pa natatakot siyang malalaglag ang kaniyang anak at mamatay sa kaniyang tiyan.
Dahil sa takot, nataranta ang mag-pinsan, lalo pa noong magbukas ang ilaw.
"Nagulat na lang kami na yung biglang may bumagsak dito sa tiyan ko na sobrang malamig na malagkit tapos sobrang naninigas na yung tiyan ko."
"'Yung paparating na yung tatay ko, parang may nasalubong siyang parang tao na kung idi-describe mo parang tiktik. Sabi ng tatay ko natiktik nga daw ako," salaysay ni Marilou.
Agad dinala si Marilou sa isang albularyo, kung saan itinaboy ang masamang ispiritu ng tiktik at ipinagamot ang batang nasa sinapupunan niya gamit ang asin, bigas, at ang takip ng kaldero na may kasamang orasyon.
"Yung paniniwala natin kay Allah, yun ang lagi mong iisipin nandyan lang sya," pag-alala ni Marilou sa payo ng kaniyang ama.
"Total safe naman na daw kaming mag-ina. Naisalba naman daw ako sa kapahamakan na ganun sa pag-aatake ng tiktik," dagdag niya.
Makalipas naman ang labing-anim na taon, lumaking maayos at malakas ang anak ni Marilou.
Aminado naman siya na hanggang ngayon ay sariwa pa rin sa kaniyang isipan ang hindi maipaliwanag na karanasan. Lubos din ang kaniyang pasasalamat dahil iniligtas siya ng kaniyang pananampalataya sa Panginoon.
"Para sa akin naniniwala po ako na may tiktik kasi po totoo po na nangyari sa buhay ko na yung inaatake po ako ng tiktik talagang totoong-totoo," aniya.
SOURCE: ABS-CBN
No comments:
Post a Comment